(Whoever wrote this article is a genius. I feel ya! This is so true...Here's a piece of me. And the rest of the medical students in this wonderful country.)
Lightning Crashes : Gusto Kong Maging Doktor Dahil
Contributed by roni_bats (Edited by blue_kuko)
Monday, February 14, 2005 @ 01:00:21 AM
"So, why do you want to be a doctor?" Pipilitin kong tumingin nang diretso sa mga mata ng nagtatanong sa akin. Ilalabas ang matagal ring pinagpraktisang ngiti. Kaunti lang. Sapat upang magbigay ng impresyong sigurado ako sa mga susunod kong salita.
"Because I want to make a difference in other people's lives." Syempre sigurado ako sa sagot ko. Galing sa isang pelikula iyan e! Hindi na mahalaga kung alin o kung sino ang nagsabi ng naturang linya. Ang punto, scripted ang bawat salita.
"Can you please elaborate?" Tuloy ang tatlumpung minuto ng pambobola. Ngayon, apat na taon mula nang malaman kong nakapasa ako sa UP Med, aaminin ko na: nagsinungaling ako nung interview. Sinabi ko ang mga salitang nasabi ko dahil kailangan silang sabihin. At dahil nakasandig ang paniniwala ng walang muwang na ako sa mga konsepto ng paglilingkod nang buong puso, pag-ibig na tunay at walang patid na kaligayahang nababasa ko sa nobela at napapanood sa pelikula. Ang totoo, napag-isip-isip ko, gusto kong maging doktor dahil gusto kong maging doktor. Wala nang iba pang rason. Pagkatapos ng apat na taong pagpupuyat, pagsasaulo, pag-eexam, pag- interview sa pasyente, pagta-type ng paper at pagsagot sa preceptor, ang tanging nagtutulak sa akin na magpuyat, magsaulo, mag-exam, mag-interview ng pasyente, mag-type ng paper, sumagot sa preceptor at kung ano man ang madadagdag pa sa natitirang tatlong taon ay ang kagustuhan kong maging Dr. Ronnie Enriquez Baticulon. Kung kailangan kong kumain ng apoy habang tumatawid sa tightrope na sintaas ng monumento ni Rizal sa Luneta pero walang net na sa sasalo sa akin sa ibaba, gagawin ko. Dahil gusto kong maging doktor.
Mababaw? Dalawang klase lang ang mga estudyante ng medisina. Kung hindi ka manhid, masokista ka. Pag-torture sa sarili ang pag-idlip ng isang oras gabi-gabi sa loob ng isang linggo. Kabaliwan ang pagbabasa ng lecture transcriptions sa halip na magpaputok sa Bagong Taon. Kalokohan ang pagpilit sa sariling bumangon nang maaga, kahit na makatulog muli sa lecture, basta't makapirma sa attendance sheet at makaiwas sa finals. Kasalanan bang hilingin na sana, ipinanganak ka na lang na floppy diskette o CD-RW para mas madaling mag-store at mag-delete ng impormasyon? Ang awa sa sarili ay kinakalimutan pagsuot ng puting uniporme. Kulang na lang ay ipulupot sa sariling leeg ang stethoscope na nakasabit sa balikat hanggang sa mangasul at tuluyang malagutan ng hininga.
Sa panahon ng ka-toxic-an, hinahalughog ang bawat sulok ng utak para masagot ang katanungang, "Bakit ko ba ito ginagawa sa sarili ko?" Hindi dahil mataas ang pangarap ng mga magulang ko para sa akin. Hindi dahil kailangan na ng mga kamag-anak ko ng gagamot sa kanila nang libre. Hindi dahil isang isang araw, narinig kong bumubulong ang Diyos sa aking tenga, "Dapat kang maging manggagamot ng Aking mga nilikha." Hindi dahil kulang na ang mga doktor sa Pilipinas sapagkat nurse na silang lahat. Hindi dahil kailangan ng mga naghihikahos na Pilipino ng magliligtas sa kanila mula sa mga kamay ng karamdaman at kamatayan. Hindi ko naiisip ang sasabihin ng Nanay at Tatay ko kapag umuwi akong sangkatutak ang bagsak na marka (Anak pa rin naman nila ako kahit ano'ng mangyari). Hindi ko naiisip na sana, nag-Nursing na lang ako para susuweldo na ako ng milyon sa isang taon. At mas lalong hindi ko naiisip si Aling Ebang na may sandosenang anak na may TB at may asawang walang maibigay sa kanya kundi sandosenang STD.
Ang laman lang ng isip ko ay, una, "Gusto ko nang matulog," at, pangalawa, "Engot ka pala, ginusto mong maging doktor e!" Kanya-kanya ang dahilan kung bakit nagdodoktor ang mga tao. Walang maling dahilan. Ang problema ay nag-uugat sa kawalan ng kasiguraduhan. Kaya may umiiyak. Kaya may nagku-quit. Kaya may nasisiraan ng bait. Nakakalimutang higit sa lahat ay ang kagustuhang maging doktor. Saka pa lang pumapasok ang iba pang rason, na bawat isa ay nakasandal sa una. Dahil sa buhay, ang pinakamatinong sagot ay ang pinakasimple. Madalas nga, sa sobrang simple e tatanungin mo ang iyong sarili, "Kailangan pa ba ng dahilan?"
1 Comments:
hi there!!! friend ko yung nagsulat nitong artik na to. He's a third year med student sa UP-PGH. Astig tong magsulat visit his site ronibats.com hehehehe
Post a Comment
<< Home